Pinagtibay ng mga lider sa 49th ASEAN Summit ang mas mahigpit na proteksyon para sa mga kabataan at publiko sa gitna ng mabilis na pag-usbong ng digital at artificial intelligence platforms.
Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., inaprubahan ng mga lider ang ASEAN Leaders’ Declaration on Preventing Online Child Sexual Exploitation and Abuse and Child Sexual Abuse Materials in the Digital and Artificial Intelligence-enabled Environment.
Layunin nitong pagtibayin ang commitment ng rehiyon sa pangangalaga sa karapatan ng mga bata at pagsisiguro ng mas ligtas na digital environment laban sa online abuse.
Kasabay nito, pinagtibay din sa 21st East Asia Summit ang Leaders’ Statement on Strengthening Cooperation Against Online Scams and Related Offenses, na magpapaigting sa palitan ng impormasyon at koordinasyon ng law enforcement agencies laban sa mga scam network.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos, na nagkaisa ang mga lider na hindi sapat ang paglagda lamang sa mga dokumento, kundi dapat itong agad na maramdaman ng mga mamamayan sa pamamagitan ng kongkretong aksyon.