Photo courtesy of PTV
Kasabay ng mga nararanasang pagbabago sa klima, hinimok ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA ang publiko at mga kinauukulang ahensya na palakasin ang tamang pagtitipid at pamamahala sa suplay ng tubig sa bansa.
Sa panayam ng PTV kay DOST-PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section Chief Ana Liza Solis, patuloy na mino-monitor ng kawanihan ang lagay ng klima kung saan malaking bahagi ng bansa ang nakakaranas ng tuyong kondisyon.
Bagamat may mga naiulat na pag-ulan sa ilang rehiyon, nananatili ang banta ng matinding init at kakulangan sa ulan na maaaring makaapekto sa agrikultura, enerhiya, at suplay ng tubig sa mga kabahayan.
Kaugnay nito, nanawagan ang PAGASA sa publiko na maging masinop sa paggamit ng tubig at simulan ang mga hakbang sa pagtitipid sa araw-araw.
Hinikayat din ang mga establisyimento at lokal na pamahalaan na magpatupad ng mga estratehiya para sa water conservation upang maiwasan ang matinding krisis sa patubig sa mga susunod na buwan.
Patuloy namang nagpapaalala ang PAGASA na manatiling nakatutok sa kanilang mga opisyal na weather bulletin at advisory para sa mga karagdagang impormasyon at gabay ukol sa lagay ng panahon at epekto ng climate phenomena sa bansa.