Maagang nakapaghanda ang Philippine Ports Authority (PPA) para sa inaasahang peak season ng mga biyahero kaugnay ng paggunita ng Undas.
Sa panayam ng programang BOSES kay PPA Spokesperson Eunice Samonte, sinabi niyang handa na ang mga idineploy na Port Police na may maigting na ring ugnayan sa K9 units ng Philippine Coast Guard upang mas mahigpit na maipatupad ang kordon ng seguridad sa mga pantalan at seaport establishments.
Dahil higit pa sa doble ang mga ipatutupad na security protocols, pinaalalahanan ng PPA ang mga biyahero na maglaan ng dagdag na oras o agahan ang pagpunta sa mga pantalan bunsod ng dagdag na oras na kakailanganin sa security measures.
Inaasahan na rin ng PPA ang mas maraming pasahero, partikular sa Iloilo at Panay-Guimaras area, Calapan, Batangas at Mindoro, kaya hindi sila nagpapabaya sa antas ng seguridad.
Dagdag pa ng PPA, bukas at magagamit na rin ang Lucena Port kaya bahagya ring mababawasan ang congestion sa ilang kalapit na pantalan sa CALABARZON area.
Mas pinaayos at pinaganda na rin ng PPA ang mga pasilidad sa mga pantalan dahil mayroon nang children’s playroom, charging station, mas komportableng waiting area, gayundin ang mga tindahan, café at iba pang food at pasalubong establishments sa mga pantalan na pinamamahalaan ng PPA.
Nagpaalala rin ang PPA sa mga pasahero na iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na gamit, tulad ng mga highly flammable na bagay at matatalim na gamit, gaya ng mga patalim at kutsilyo.