Welcome ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa pinakabagong credit analysis ng international rating agency na Moody’s Ratings.
Sa pinakabagong ulat ng Moody’s, binigyang-diin nito ang matatag na monetary policy framework ng Pilipinas, ang matibay na sistema ng pagbabangko at ang sapat na external buffers ng bansa laban sa mga pagsubok sa pandaigdigang ekonomiya.
Ayon kay BSP Governor Eli Remolona Jr., pinatutunayan ng pagsusuri ng Moody’s ang katatagan ng bansa sa gitna ng mga panloob at panlabas na hamon.
Tiniyak din ng opisyal na mananatiling nakatutok ang BSP sa pagpapanatili ng katatagan sa presyo ng mga bilihin at sa sektor ng pananalapi.
Pinuri ng Moody’s ang mabilis at maayos na pagtugon ng BSP sa pagbabago ng lagay ng ekonomiya—kung saan nagluwag ito ng patakaran nang bumaba ang inflation at naghigpit naman nang tumaas ang presyo ng petrolyo upang pigilan ang banta sa ekonomiya.
Inilarawan din ng rating agency ang banking system bilang may matatag na kapital, kumikita at mahusay na pinamamahalaan dahil sa mahigpit na pagbabantay ng pamahalaan.
Bukod dito, nananatili ring matibay ang external position ng Pilipinas dahil sa malaking foreign exchange reserves mula sa OFW remittances, BPO income at foreign direct investments.