Itinutulak ng Department of Finance ang panukalang magpataas ng purchasing power o kakayahang bumili ng mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng pagbabawas ng buwis sa kita.
Layon din ng panukala na mabawasan ang buwis ng mga micro at small enterprises.
Paliwanag ni Finance Undersecretary Karlo Fermin Adriano, “crucial” ang agarang pagpasa sa naturang bill upang madagdagan ang disposable income o naiuuwing sahod ng mga manggagawa.
Upang mabawi naman ang pondong mawawala sa pambansang kaban dahil sa tax relief, ipinapanukala ng DOF ang pagpataw ng mas mataas na excise tax sa mga sweetened beverages, alak, single-use plastics at luxury goods.
Diin ng DOF, kailangang maipasa ang Progress Bill nang buo bilang isang package, at hindi paisa-isang probisyon lamang.
Kapag naisabatas, inaasahang kikita ang pamahalaan ng higit sa 45 bilyong piso sa unang taon at average na halos 48 bilyong piso sa mga susunod na apat na taon.
Nagpahayag naman si House Committee on Ways and Means Chairman at Marikina Representative Miro Quimbo na iko-consolidate ang dalawang tax bill upang sabay na maipasa ang mga ito.