Kuntento ang Department of Agriculture (DA) sa presyo ng ilang agricultural product sa Pasig City Mega Market, 35 araw bago ang Pasko.
Ito ang inihayag ni Agriculture Asec. Genevieve Velicaria-Guevarra sa kaniyang pag-iikot sa naturang pamilihan ngayong araw.
Sa bigas, sinabi ni Guevarra na walang masyadong pagbabago sa presyo ng bigas na nasa mahigit Php 50 kada kilo, pero may mabibili pa rin namang well-milled rice na nasa Php 48 kada kilo.
Nananatili rin aniyang mababa ang presyo ng isda na nasa Php 170 hanggang Php 180 kada kilo mula sa Php 200 hanggang Php 220 kada kilo.
Maganda rin aniya ang presyuhan ngayon ng karneng baboy na nasa Php 300-320 kada kilo ng kasim habang nasa Php 370 kada kilo ang liempo, na mas mababa kumpara sa Php 400 pataas sa holiday demand noong isang taon.
Gayunman, sinabi ni Guevarra na kapansin-pansin ang pagmahal ng presyo ng mga highland vegetables dahil sa mataas na presyo ng krudo.
Ang carrots aniya ay nasa Php 160 na ngayon mula sa dating Php 120. Ang patatas at repolyo naman ay tumaas din ng Php 20 hanggang Php 30 kada kilo.
Nagmahal din ang sibuyas at bawang na nasa Php 160 kada kilo kahit pa inaasahan nilang nasa Php 120 hanggang Php 130 kada kilo ang presyo nito.
Sinabi ni Guevarra na posibleng bunga ito ng hoarding ng mga negosyante na siyang mahigpit nilang babantayan ngayong panahon ng kapaskuhan.
Babala pa ni Guevarra, 20% lamang ang tinataya nilang magiging pagtaas sa presyo ng mga agri product dahil sa holiday demands at hindi pa kasama rito ang epekto ng El Niño na inaasahang tatagal hanggang sa susunod na taon.
