Bilang bahagi ng isinusulong na transparency sa budget, isinapubliko ni Navotas Representative Toby Tiangco ang mga proyekto at kaukulang pondo para sa kanyang distrito na nakapaloob sa panukalang 2027 National Budget.
Sa isang Facebook Live, inilatag ni Tiangco ang detalye ng 39 na proyektong pang-imprastraktura sa Navotas.
Ayon sa mambabatas, may 75 proyektong nagkakahalaga ng 4.537 bilyong piso ang inaprubahan ng Regional Development Council at civil society organizations para sa Navotas, pero 28 lamang ang naisama sa National Expenditure Program na nagkakahalaga ng 1.609 bilyong piso.
Matapos ang konsultasyon sa DPWH at City Engineering Office, 18 proyekto na nagkakahalaga ng 804.75 milyong piso ang tinukoy na dapat unahin, habang 11 iba pa ang inirekomendang ipagpaliban.
Nadagdagan pa ito ng apat na proyektong iminungkahi ng DPWH na nagkakahalaga ng 673 milyong piso, dahilan upang umabot sa 2.282 bilyong piso ang kabuuang panukalang pondo sa House General Appropriations Bill.
Hinimok naman niya ang kanyang mga kapwa mambabatas na tularan ang kanyang hakbang at kusang ilantad sa publiko ang kanilang mga proyekto at kaukulang alokasyon, dahil karapatan aniya ng taumbayan na malaman kung saan ginagastos ang kanilang pera.