Nanawagan ang House Prosecution panel kay VP Sara Duterte pakinggan ang hinaing ng publiko na harapin niyo at dumalo sa kanyang sariling impeachment trial sa Senado.
Ito ang tugon ni House trial Spokesperson at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong kasunod ng lumabas na pinakabagong survey ng Social Weather Stations o SWS.
Batay sa SWS survey, lumabas na pitumpu’t walong porsyento (78%) ng mga Pilipino ang gustong makitang personal na magtestigo si VP Sara sa kanyang impeachment trial upang ipaliwanag ang usapin ng kanyang sinasabing unexplained wealth.
Ayon kay Adiong, malinaw na ipinapakita ng survey ang labis na pagnanais ng publiko na marinig mismo mula sa Bise Presidente ang paliwanag sa higit 817.9 milyong pisong hindi diumano idineklara sa kanyang SALN mula 2022 hanggang 2025—batay na rin sa pagsusuri ng forensic financial expert ng prosekyusyon na si Alexander Cabrera.
Iginiit ni Adiong na hindi sapat ang mga dokumento lamang dahil naniniwala ang publiko na may malaking iregularidad at hindi tamang deklarasyon ng ari-arian na dapat personal nitong sagutin. | ulat ni Melany Reyes