Bukas ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na idaan sa maayos na pakikipag-usap upang maplantsa ang anumang gusot.
Bilang tugon ito sa panawagan ni Capas, Tarlac Mayor Roseller “Boots” Rodriguez sa AFP at Department of National Defense (DND) na pakinggan ang hinaing ng kanilang mga residente na apektado ang kabuhayan.
Ayon kay AFP Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner, nakikinig naman sila sa hinaing ng bayang kanilang pinanglilingkuran at hangad din nila ang mapayapang solusyon sa usapin.
Una kasi rito, umaalma ang nasa 3,000 katutubo at residente sa paligid ng Col. Ernesto Ravina Air Base na kilala rin bilang Crow Valley dahil sa ginawang paghihigpit dito ng Philippine Air Force (PAF).
Paliwanag ni Air Force Spokesperson, Col. Ma. Christina Basco, ginawa ang paghihigpit para na rin sa kaligtasan ng publiko lalo’t dito madalas ginagawa nag live-fire exercise tuwing may mga pagsasanay militar gaya ng BALIKATAN.
Kasunod nito, inatasan ni Brawner ang Air Force na ilatag ang mga solusyon sa usapin gaya ng konsultasyon, bagay naman na ginagawa na ngayon ng naturang sangay ng AFP.