Pansamantala munang inalis sa mga isinasagwang clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) si Special Operations Group Head Gabriel Go.
Ito ay kasunod ng isinasagawang imbestigasyon ng MMDA kaugnay ng viral video na kinasasangkutan ni Go kung saan hinuli ang isang guro na walang suot na helmet.
Sa isang pahayag, sinabi ng MMDA na umabot na sa kanilang tanggapan ang viral video ng insidente, gayundin ang mga liham na ipinadala ng iba’t ibang grupo.
Kaugnay nito, gumugulong na ang imbestigasyon sa posibleng pananagutan ni Go.
Binigyan na rin ang opisyal ng Show Cause Order at inatasang magsumite ng paliwanag bilang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon.
Nauna namang kinondenda ng Teachers’ Dignity Coalition ang naging agresibong paglapit ni Go para hulihin ang guro na nakuhanan ng video kahit tumanggi itong mailabas sa publiko.
Giit ng grupo, nilabag umano ang karapatan ng guro dahil tumutol ito na makunan ng video habang nangyayari ang insidente.