Ang mga magulang, at hindi ang mga pagbabawal o “social media bans,” ang nagsisilbing pangunahing depensa para sa kaligtasan ng mga kabataan sa internet.
Ito ang binigyang-diin ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) kasabay ng babala na hindi kailanman dapat gawing pamalit sa personal na gabay at pag-aalaga ng magulang ang mga cellphone at gadyet.
Mga Senyales ng ‘Online Grooming’ na Dapat Bantayan
Sa naging panayam sa programang Bagong Pilipinas Ngayon sa PTV, nanawagan si CICC Undersecretary Renato Paraiso sa mga magulang na maging mapagmatyag sa anumang pagbabago sa ugali ng kanilang mga anak. Ito ay upang maagang matukoy ang posibleng banta ng online grooming o pananamantala ng mga estranghero.
“Kapag napapansin natin, medyo nagiging reclusive or nagiging secluded na o nag-iisa na iyong mga anak natin at parati na lang may kausap, kailangan nating alamin, sino iyong mga kausap nila,” pahayag ni Paraiso.
Partikular na ipinayo ng opisyal na maging alerto sa mga sumusunod na kakaibang senyales:
- Biglang paggaling sa Ingles: Kung biglang humusay ang bata sa pagsasalita o pagsusulat sa wikang Ingles habang may kachat na dayuhan.
- Pagpupuyat sa gabi: Dahil sa pagkakaiba ng oras (time difference) sa ibang bansa, madalas na nananatiling gising ang mga bata nang madaling-araw para lamang makipag-ugnayan sa mga pinaghihinalaang predator.
Taktika ng mga Cybercriminal: Nagpapanggap na Bata
Ayon pa kay Paraiso, mas nagiging sopistikado at mapanlinlang na ang mga masasamang loob ngayon dahil gumagamit sila ng mga huwad na account kung saan nagpapanggap silang kapwa bata upang makuha ang tiwala ng kanilang biktima.
“Mas nakakatakot po ngayon, kasi po nagpapanggap na mga bata itong mga masasamang loob na ito para po kunin at i-recruit ang ating mga anak.”
Huwag Burahin ang Ebidensya, Makipag-usap nang Mahinahon
Sa halip na daanin sa galit o biglaang komprontasyon, pinayuhan ng CICC ang mga magulang na maupo at kausapin nang mahinahon ang kanilang mga anak. Mahalagang ipadama sa kanila na handa silang makinig upang mas maging bukas ang mga bata sa pagbabahagi ng kanilang mga nararanasan online.
Bukod dito, mahigpit ding ipinapaalala ng CICC na huwag buburahin ang mga kahina-hinalang pag-uusap o chat. Mas mabuting i-save at i-preserve ang mga ito bilang ebidensya upang matulungan ang mga awtoridad na matukoy at maipakulong ang mga kriminal.
| Paano Humingi ng Tulong sa CICC | detalye |
| Hotline | Tumawag sa 1326 |
| Personal na Pagbisita | CICC Office, Studio 7, EDSA, Quezon City |
| Garantiyang Seguridad | 100% Kumpidensyal at Protektado ang inyong Privacy |
Sa kasalukuyan, kaagapay ng CICC ang Council for the Welfare of Children (CWC) sa pamumuno ni Undersecretary Angelo Tapales upang magbigay ng sapat na gabay, interbensyon, at tamang paraan ng paglapit sa mga anak hinggil sa isyu ng online safety.