Lumagda ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Bureau of Customs (BOC) ng isang Memorandum of Understanding (MOU) upang palakasin ang border security at labanan ang smuggling sa pamamagitan ng mas pinaigting na intelligence sharing.
Lumagda sa kasunduan sina AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. at BOC Commissioner Ariel Nepomuceno.
Ayon kay BOC Commissioner Nepomuceno, mas mapapalakas ng kasunduan ang kakayahan ng pamahalaan na protektahan ang borders ng bansa at labanan ang smuggling.
Sinabi naman ni AFP Chief of Staff General Brawner na patunay ang kasunduan sa nagkakaisang layunin ng pamahalaan na palakasin ang pambansang seguridad at protektahan ang lehitimong kalakalan.
Sa ilalim ng kasunduan, magkakaroon ng information sharing, capacity building, operational support, at legal cooperation kaugnay ng border security, customs enforcement, national security, at revenue protection.
Bukod dito ay bubuo rin ang dalawang ahensya ng Joint Coordination Committee (JCC) na mangangasiwa sa pagpapatupad ng kasunduan at magtatatag ng mga mekanismo para sa koordinasyon.

