Inilunsad kamakailan ng Organic Intelligence ang isang pag-aaral na naglalayong suriin ang resilience o katatagan ng mga Pilipino sa gitna ng iba’t ibang krisis na kinakaharap ng bansa, kabilang na ang mga kaguluhan sa Middle East at ang epekto ng nagbabadyang malubhang El Niño.
Ayon kay Dr. Jason Ligot, Organic Intelligence Group Account Director for Development Communication and Communication Design, layunin ng kanilang pananaliksik na alamin kung paano nga ba tuluyang makababangon ang mga Pilipino sa sunod-sunod na pagsubok.
Aniya, mahalagang suriin kung totoo pa ba ang umiiral na naratibo ng katatagan sa kabila ng dumaraming suliranin at kung paano mas palalalimin ang pag-unawa sa konseptong ito.
Binigyang-diin ni Dr. Ligot na para sa epektibong risk communication, kailangang matugunan ang mga uncertainty o kawalan ng katiyakan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga praktikal at solutions-oriented na payo na nag-e-empower sa bawat mamamayan.
Samantala, iginiit din ni Gibby Torres, GUGMA PH Chief Storyteller, na bukod sa mga marhinalisadong sektor, hindi na rin dapat kaligtaan ang pagbibigay-prayoridad sa middle class.
Ayon kay Torres, ang middle class ay naghahanap na rin ng tinatawag na lifeline habang umaangat ang benchmark ng mga hamon sa lipunan.
Babala pa niya, may umiiral na delikadong naratibo ngayon na pinag-uuri ang “lower class laban sa middle class,” ngunit ang totoo ay nararapat na makatanggap ng serbisyong pampubliko ang lahat ng Pilipino.
Sa harap ng mga kinakaharap na krisis ng bansa, patuloy ang panawagan na pagtulungan at pag-ibayuhin ang mga hakbang para sa kapakanan at kaligtasan ng bawat mamamayang Pilipino.