Ilang biyahe ng mga barko sa Batangas at Mindoro ang kanselado ngayong Sabado, October 24, dahil sa Bagyong Rosal at iba pang operational concerns.
Batay sa abiso ng Philippine Ports Authority (PPA), kabilang sa mga apektadong biyahe ang SuperCat mula Batangas patungong Calapan na nakatakda sanang bumiyahe 5:30 ng hapon.
Wala ring operasyon ang Island Water na biyaheng Abra de Ilog dahil nasa dry dock ang nasabing sasakyang pandagat.
Samantala, sa Puerto Galera, kanselado ang biyahe ng MV PTERIPPUS II na nakatakda sanang umalis kaninang 6:00 ng umaga, gayundin ang MV CITY OF BACOLOD na may biyahe ng 7:15 ng umaga at 12:30 ng tanghali, pawang patungong Batangas.
Kanselado rin ang biyahe ng MV SANTA BRIGIDA na nakatakda sanang umalis 2:00 ng hapon dahil sa preventive maintenance.
Pinapayuhan ang mga pasahero na makipag-ugnayan sa kani-kanilang shipping line para sa pinakahuling abiso at kumpirmasyon ng biyahe bago magtungo sa pantalan.
Sa pinakahuling tala naman ng PAGASA-DOST, as of 11:00 am, nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Rosal pero patuloy paring mararamdaman ang epekto nito partikular sa hilagang bahagi ng Luzon.