Magpapatuloy ngayong weekend ang ikalawang yugto ng rehabilitasyon sa EDSA mula Monumento sa Caloocan City hanggang GMA Kamuning sa Quezon City, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Isasagawa ang reblocking sa southbound lane mula Monumento hanggang GMA Kamuning, simula nitong Biyernes ng gabi, October 23, hanggang Lunes, October 26.
Kabilang sa mga apektadong lugar ang bahagi ng Monumento malapit sa Bagong Barrio Bus Station, mula sa naturang istasyon hanggang Bansalangin Street, at mula North Lawin Avenue hanggang GMA Network Drive sa EDSA Kamuning.
Tuloy-tuloy naman 24-oras ang trabaho ngayong October 24 at 25, kabilang ang paghahanda ng base, paglalagay ng bakal, pagbubuhos ng kongkreto, at iba pang pagkukumpuni.
Paalala ng DPWH, magkakaroon ng pansamantalang pagsasara ng ilang lane habang isinasagawa ang mgapagkukumpuni, ngunit mananatiling bukas sa mga motorista ang mga natitirang lane.
Inaasahang muling bubuksan sa trapiko ang mga apektadong bahagi ng EDSA, alas-5:00 ng umaga sa October 26. Pinapayuhan ang mga motorista na mag-ingat, sumunod sa mga traffic advisory, at gumamit ng alternatibong ruta upang maiwasan ang pagkaantala sa biyahe.