Tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang patuloy na pangangalaga sa katatagan ng ekonomiya matapos kilalanin ng Japan Credit Rating Agency ang kakayahan ng bansa na makayanan ang mga external shocks, kabilang ang epekto ng sigalot sa Middle East.
Ayon sa BSP, nakatutulong sa katatagan ng bansa ang sapat na foreign exchange reserves o reserbang dolyar, sa kabila ng global uncertainties at pagbabago sa polisiya ng taripa ng Estados Unidos.
Batay sa datos ng BSP, umabot sa US$99.5 billion ang gross international reserves ng bansa sa pagtatapos ng Setyembre 2026. Katumbas ito ng 6.2 buwang halaga ng import goods, payments of services, at primary income na higit sa international benchmark na tatlong buwan.
Kabilang din sa sumusuporta sa ekonomiya ang patuloy na pagpasok ng remittances mula sa mga overseas Filipino at kita mula sa business process outsourcing (BPO) sector.
Samantala, kinilala rin ng JCR ang katatagan ng sistemang pinansyal ng Pilipinas, kabilang ang paglago ng pagpapautang ng mga bangko at matibay na kapitalisasyon.
Ang positibong pagtataya ay kasunod ng pagpapanatili ng JCR sa investment-grade credit rating ng Pilipinas na A-minus, na may stable outlook, noong August 28, 2026.