Photo courtesy of Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD)
Matapos ang higit dalawang dekada, may seguridad na sa pabahay ang nasa 160 pamilyang urban poor sa Cebu City.
Ito ay kasunod ng pormal na pag-turn over ng Certificates of Entitlement o COEs sa 160 kwalipikadong pamilya sa GMA Ville Lot 110 Housing Project sa Barangay Carreta, Cebu City.
Pinangunahan ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling ang pamamahagi ng mga COE na ipinatutupad sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.
Ayon sa kalihim, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na ilapit ang mga programa sa pabahay sa mga komunidad, lalo na sa mga pamilyang kapos sa buhay.
Ang COE ay kumikilala sa karapatan ng mga benepisyaryo sa kani-kanilang lote at hakbang tungo sa pagkakaroon ng permanenteng tahanan.
Bahagi rin ito ng pagdiriwang ng National Shelter Month 2026 na may temang “Tahanan. Pamayanan. Kinabukasan,” na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng ligtas at matatag na pabahay sa pagbuo ng mas maunlad na mga komunidad.