Muling nanawagan ang Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes, October 22, 2026, sa Embahada ng China na pairalin ang pagpipigil at pananagutan sa mga pampublikong pahayag nito.
Ayon sa DFA, ang “mapanulsol at hindi diplomatikong tono at pananalita” ng embahada ay nakaaapekto sa tiwala sa isa’t isa at nakahahadlang sa mga pagsisikap na mapabuti ang bilateral na ugnayan ng Pilipinas at China.
Sinabi ni DFA Spokesperson Analyn Ratonel na pinahahalagahan ng Pilipinas ang ugnayan nito sa China. Gayunman, iginiit niya na hindi nakatutulong sa mabuting relasyon ng dalawang bansa at sa wastong pagtupad sa mga tungkuling diplomatiko ang mga kamakailang pahayag ng embahada.
Muling pinagtibay ng DFA ang paninindigan ng Pilipinas na sumunod sa One China Policy o patakarang kumikilala sa iisang China. | ulat ni Aj Ignacio