Makikipagtulungan ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa mga awtoridad ng Malaysia sa imbestigasyon sa naharang na pagpupuslit ng mahigit 500 kilo ng shabu mula Laos patungong Pilipinas.
Sa briefing ng House Committee on Dangerous Drugs, sinabi ni PDEA Director General Isagani Nerez na napagkasunduan ng PDEA at Narcotics Criminal Investigation Division ng Malaysia na magsanib-puwersa sa imbestigasyon.
Paliwanag ni Nerez, kapwa interesado ang dalawang bansa sa kaso dahil isang Malaysian national ang kabilang sa mga pilotong naaresto sa Laos.
Ayon kay Nerez, handa ang mga awtoridad ng Malaysia na magbahagi ng mga dokumentong kailangan ng Philippine law enforcement agencies.
Partikular na kailangan ang mga dokumentong magpapatunay sa mga transaksyon ng isang pulis, ng kumpanyang konektado sa dating piloto na si Rioklyn Toledo, at ng Malaysian company na nag-arkila ng eroplano. | ulat ni Kathleen Forbes
Mahalaga ang mga dokumentong ito upang mapagtibay ang ebidensya at maisampa ang kaukulang kaso laban sa mga indibidwal na sangkot sa operasyon.
Tiniyak ni Nerez na magpapalitan ng impormasyon ang mga awtoridad ng dalawang bansa upang matukoy ang mga responsable sa tangkang pagpupuslit ng ilegal na droga.