Iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng pangyayari kaugnay ng napaulat na pag-alis ng bansa ng gambling tycoon at negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.
Ito ay matapos sabihin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nakalabas na ng bansa si Ang, habang ayon naman sa Department of Justice (DOJ), wala pa itong sapat na impormasyon para kumpirmahin ito.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson PCol Allen Rae Co na batid ng PNP ang pahayag ng kalihim, at makikipag-ugnayan sila sa lahat ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan.
Nang tanungin kung paano nakalabas ng bansa si Ang, sinabi ni Co na bahagi ito ng iimbestigahan ng PNP.
Tiniyak naman ni Co na saan man naroroon si Ang, hindi titigil ang PNP hangga’t hindi naisisilbi ang warrant of arrest laban sa kanya at naihaharap siya sa korte.
“But regardless of his current whereabouts the PNP remains committed to serving the warrant of arrest, bringing him before the courts to answer for the charges against him and of course we will not rest until the WOA is served,” ani Co.
Matatandaang pinaghahanap si Ang kaugnay ng umano’y pagdukot at pagpatay sa mga nawawalang sabungero mula 2021 hanggang 2022.