Nakahanda na ang Philippine National Police (PNP) para tiyakin ang kaayusan at seguridad ngayong Undas 2026.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson PCol Allen Rae Co na nasa 140,860 na tauhan ang ipakakalat sa mga sementeryo, columbarium, transportation hub, pangunahing kalsada, at tourist spot.
Ayon kay Co, mahigit 70,000 rito ay mga pulis. Katuwang nila ang mahigit 16,000 na tauhan mula sa Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, at Philippine Coast Guard, at mahigit 51,000 na force multiplier.
Maglalagay rin ng public assistance desk sa mga libingan at paiigtingin ang police visibility para sa mga bibisita.
Isasailalim din sa full alert status ang PNP simula October 30 hanggang November 2.
Kasabay nito, nagpaalala ang PNP sa mga bawal dalhin sa loob ng sementeryo gaya ng baril at iba pang armas, nakalalasing na inumin, ilegal na droga, at matutulis na bagay.
Pinayuhan din ng Pambansang Pulisya ang publiko na siguraduhin naka-lock ang kanilang mga bahay dahil maaari itong samantalahin ng mga kriminal, at tiyaking nasa maayos na kondisyon ang mga sasakyan ng mga bibiyahe ngayong Undas.