Pinalalakas pa ng Department of Agriculture (DA) ang pagsusuri sa mga panukalang regulasyon upang maiwasan ang magkakapatong na requirements at mabawasan ang pasanin ng mga magsasaka, mangingisda, negosyo, at mga mamimili.
Sa ika-11 pulong ng ASEAN-OECD Good Regulatory Practices Network, ipinaliwanag ni DA Assistant Secretary Atty. Paz J. Benavidez II ang papel ng Regulatory Clearinghouse System o RCS sa pagsusuri ng mga panukalang regulasyon bago aprubahan at ipatupad.
Layunin nitong matiyak na ang mga regulasyon ay nakabatay sa datos, naaayon sa mandato ng ahensiya, at hindi nagdudulot ng hindi kinakailangang gastos o dagdag na requirements sa mga stakeholder.
Inaatasan din ng kalihim ng DA ang mga regulatory agency nito na isama ang Regulatory Impact Assessment o RIA sa kanilang mga inilalabas na regulasyon upang masuri kung kailangan talaga ang isang bagong patakaran.
Sa pamamagitan nito, target ng DA na magkaroon ng mas malinaw, magkakatugma, at epektibong regulasyon na susuporta sa pag-unlad ng sektor ng agrikultura at pangisdaan, habang isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga mamimili at iba pang stakeholder. | ulat ni Ej Lazaro