Dapat nakabatay sa datos at nakatuon sa mga paaralang may pinakamatinding kakulangan ang paglalaan ng mga silid-aralan.
Kasunod ito ng ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na kulang ang paunang pondo para sa 2026 sa mga lokal na pamahalaang may pinakamalaking kakulangan sa silid-aralan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, dapat nakabatay sa tunay na datos ang mga desisyon, para maramdaman sa mga paaralan ang pondong inilalaan.
Sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 38, ang pagsusuri sa pangangailangan sa silid-aralan at ang mga validated na prayoridad na lokasyon ang batayan sa pagpili ng mga proyekto.
Aabot sa 8,777 silid-aralan sa 1,955 paaralan ang itatayo sa tulong ng 439 lokal na pamahalaan. Sa bilang na ito, 576 ang itatayo, katuwang ang PAGCOR.
Bukod sa mga LGU, katuwang din ng DepEd sa pagpapatayo ang DPWH, mga public-private partnership, at iba pang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor.
Para naman mapaigting ang transparency, regular na iuulat ang pisikal at pinansyal na progreso ng mga proyekto, at magkakaroon ng monitoring sa antas ng division, rehiyon, at central office.