Photo courtesy of Department of Migrant Workers (DMW)
Patuloy ang isinasagawang job at skills matching ng Department of Migrant Workers o DMW sa mga overseas Filipino worker (OFWs) na umuwi na sa bansa at pinili nang manatili at magtrabaho sa Pilipinas.
Sa Kapihan sa Manila Hotel, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na ilan sa mga tinututukang sektor ng DMW para sa job at skills matching gayundin sa reintegration program ng mga umuwing OFW mula sa Gitnang Silangan ang construction, healthcare, hospitality, information technology at transport sector.
Sa datos ng ahensiya may humigit kumulang 100,000 OFWs na bumalik ng bansa at nagpasyang manatili na at dito sa Pilipinas ipagpatuloy ang kanilang pagtatrabaho sa nakaraang tatlong taon.
Kabilang nga sa mga hakbang na ito ang pag-refer ng hindi bababa sa 4,000 licensed teachers na nagbalik sa bansa sa Department of Education (DepEd) para sa mga posisyon sa mga pampublikong paaralan.
Giit ni Cacdac, na hindi sila tumitigil sa pag-aaruga at pagbibigay ng kinakailangang tulong sa mga OFW lalo na sa mga humaharap sa krisis at kaguluhan.