Sinalakay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) Pampanga District Office ang isang umano’y scam hub na nag-ooperate sa Subic, Olongapo City.
Ito’y sa bisa ng warrant to search, seize and examine computer data na inilabas ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 73 matapos ang ilang buwang surveillance at intelligence work.
Nasamsam dito ang mga computer, mobile phone, at dokumento na pinaniniwalaang ginagamit sa scam hub.
Inabutan din sa pasilidad ang nasa 200 Vietnamese national na ngayon ay inaalam na kung mga biktima ng human trafficking o sangkot sa ilegal na operasyon.
Kasabay nito ang pakikipag-ugnayan sa Bureau of Immigration, Inter-Agency Council Against Trafficking, at Embassy of the Socialist Republic of Vietnam.
Naghahanda naman na ang NBI ng kaso laban sa nag-organize, nag-manage, at nag-finance sa scam hub partikular na ng paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act; Cybercrime Prevention Act of 2012; at Anti-Money Laundering Act of 2001.