Pinaiigting ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kampanya laban sa ilegal na kalakalan ng produktong petrolyo.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge PBGen. Christopher Abrahano na inatasan na nito ang mga yunit ng pulisya sa buong Metro Manila na tugisin ang mga walang pahintulot na nagbebenta ng gasolina at iba pang produktong petrolyo para sa ilegal na pagkakakitaan.
Binigyang-diin niya na hindi kukunsintihin ang ganitong mga gawain habang nagsisikap ang pamahalaan na matiyak ang sapat na suplay ng langis para sa mamamayang Pilipino.
Kasunod ito ng pagkakaaresto sa apat na indibidwal sa Payatas, Quezon City, dahil sa umano’y ilegal na kalakalan ng produktong petrolyo.
Sinabi pa ni PBGen. Abrahano na makaaapekto sa ekonomiya ng bansa ang ilegal na kalakalan ng langis bukod pa sa maaaring malagay sa panganib ang mga mamimili dahil sa mga produktong petrolyong may halong ibang sangkap, mapanlinlang na pagpi-presyo, at hindi wastong pag-iimbak ng langis na maaaring magdulot ng sunog at pagsabog.
Hinimok din ni PBGen. Abrahano ang mga motorista na bumili lamang ng produktong petrolyo mula sa mga awtorisadong gasolinahan.