Iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bagong real estate firm na inuugnay sa Duterte-Carpio associates na Westgate88 Real Estate Development Corporation.
Kaugnay ito ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, bago lang ang kumpanya na maraming land asset. Sangkot umano rito ang ilang abogado kabilang ang isang associate ng Duterte-Carpio Law Offices at pangulo ng Westgate88.
Ayon pa kay Matibag na nakita ng bureau ang involvement ng mga ito sa mga property na idineklara ni Duterte sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN.
Samantala, ipapa-subpoena na ni Matibag ang mga nabanggit na indibidwal para malinaw at matukoy ang kanilang partisipasyon sa Westgate88.