Itinulak ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang mga hakbang para maprotektahan ang karapatan at paniniwalang panrelihiyon ng mga Muslim, partikular sa proseso ng paglilibing at pagsasagawa ng autopsy.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs, nanawagan si Cayetano sa Department of Health (DOH) na ilabas na ang implementing rules and regulations ng Philippine Islamic Burial Act, na naisabatas noong April 2025.
Iminungkahi ng senador na sulatan ang DOH at hilinging makapagbigay ito ng draft ng mga panuntunan sa mga kinauukulang komisyon at non-government organization bago talakayin sa plenaryo ang panukalang budget ng ahensya.
Hinimok din ni Cayetano ang mga otoridad na pag-aralan ang paggamit ng makabagong forensic technology na maaaring makatulong sa pagsasagawa ng autopsy nang hindi binubuksan o direktang hinahawakan ang katawan ng namayapang Muslim.
Bukod dito, hiniling niyang pag-aralan ang mga pamamaraan sa mga Muslim community sa Mindanao at sa ibang bansa para matiyak ang agarang paglilibing at maiwasang maantala ang pagpapalabas ng mga labi dahil sa hindi pa nababayarang bayarin sa ospital.
Nanawagan din ang senador na muling suriin ang Equal Access to Public Cemeteries Act, na na-veto ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong September 2025 dahil sa mga usaping konstitusyonal.
Iminungkahi niyang humingi ng legal na opinyon sa mga dating punong mahistrado at iba pang eksperto para matukoy kung paano maipapasa ang panukala nang naaayon sa Konstitusyon. | ulat ni Nimfa Asuncion