Mas pinalalawak ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA ang oportunidad para sa mga Pilipinong nais matuto ng bagong kasanayan at magkaroon ng trabaho.
Nagsanib-puwersa ang TESDA at Khan Academy Philippines sa ilalim ng TVET Foundation Skills Readiness Program upang matulungan ang mga learner na palakasin ang kanilang batayang kakayahan sa pagbasa, pagsulat, at pagbilang.
Layunin ng programa na matugunan ang learning gaps o kakulangan sa pundasyong kaalaman na maaaring maging hadlang sa pagpasok ng mga learner sa Technical-Vocational Education and Training o TVET.
Sa pamamagitan ng programa, maaaring mabigyan ng libreng access ang mga nangangailangan ng karagdagang suporta sa mga learning module ng Khan Academy na nakabatay sa mastery-based learning. Dito, maaaring matuto ang mga learner ayon sa sarili nilang bilis, o sa tulong ng mga kwalipikadong facilitator, bago o kasabay ng kanilang technical training.
Sa hakbang na ito, inaasahang mas maraming Pilipino ang magkakaroon ng matibay na pundasyon upang makapaghanda sa technical training, makakuha ng sertipikasyon, at magkaroon ng mas maraming oportunidad sa trabaho.
Patuloy ang pagsisikap ng TESDA na gawing mas bukas at abot-kamay ang edukasyong teknikal at bokasyonal para sa bawat Pilipino. | ulat ni Aj Ignacio