Itinuturing na ng Philippine National Police (PNP) si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa bilang number 1 most wanted person sa bansa.
Kasunod ito ng anunsyo ni Interior Secretary Jonvic Remulla na naglaan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng P50 milyong pabuya para sa pagdakip sa senador, na itinuturing na rin na armed and dangerous ng mga awtoridad.
Ayon kay Remulla, sa susunod na buwan ay mag-iisang taon na mula nang ilabas ng International Criminal Court ang warrant of arrest laban kay Dela Rosa kaugnay ng polisiya ng administrasyong Duterte sa war on drugs.
Si Dela Rosa na ngayon ang may pinakamalaking reward money, kapalit ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.
Matatandaang naglaan din ng reward money para sa pagdakip kay Ang, na may P20 milyong patong sa ulo kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero, at kay dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag, na may P2 milyong patong sa ulo.