Isang linggo ang palugit na ibinigay ng Philippine National Police (PNP) kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa para kusang sumuko sa mga awtoridad.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., sa pagpapatupad ng warrant of arrest, kinakausap muna ang taong aarestuhin para kusang sumuko, at nakadepende sa sitwasyon kung mapayapa o armadong pagtugon ang gagawing operasyon.
Narito ang bahagi ng pahayag ni PGEN Jose Melencio, Nartatez Jr.
“Remember sa pag-implement ng SW or arrest warrant kausapin mo muna, you yield sumuko ka. Kung puwede mo mapasuko eh di sumuko ka and so Sen. Bato dela Rosa has 1 week to surrender at pinaghahandaan natin yan,” ani Nartatez.
Sinabi naman ni Nartatez na may ultimatum man o wala ay patuloy nilang tutugisin si Dela Rosa.
Kabilang din aniya sa target ng mga operatiba ng PNP ang armadong grupo o mga tagasuportang posibleng nagpoprotekta sa senador, at mananagot sa batas ang sinumang mapapatunayang nagkakanlong sa kanya.
Nauna nang inihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na magbibigay ng P50 milyong pabuya para sa pagkakadakip ng senador na kukunin sa intel fund ng PNP at DILG.