Pinangunahan ni Police Regional Office 6 (PRO6) Regional Director PBGen. Randulf Tuaño ang opisyal na pagbubukas ng Defensive Driving, Maintenance, and Servicing Skills Training na inorganisa ng Aklan Police Provincial Office, sa pakikipagtulungan sa TESDA-Aklan, noong Huwebes, Oktubre 22.
Kabilang sa nasabing programa ang 20 tauhan ng kapulisan — na kinabibilangan ng 15 uniformed officers at limang non-uniformed personnel — na sasalang sa pagsasanay upang linangin ang kanilang mga praktikal na kasanayan sa ilalim ng National Certificate III (NC III) program.
Ayon kay PBGen. Tuaño, ang naturang inisyatibo ay bilang pagtalima sa direktiba ni Interior at Local Government Secretary Jonvic Remulla na sanayin at armasan ang mga tauhan ng pulisya ng mga batayang kasanayan sa pagmamaneho.
Binigyang-diin din ng hepe na ang kahusayan sa pagmamaneho at ang tamang pangangalaga at pagpapanatili ng maayos na kondisyon ng mga sasakyan ay mahalaga upang matiyak ang mas ligtas na pagtugon at mabilis na pagresponde ng kapulisan sa anumang oras ng pangangailangan o sakuna.