Magiging katuwang ng iba’t-ibang tanggapan ng pamahalaan ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa pag-alalay sa publiko, para sa paparating na Undas.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni BFP Spokesperson Anthony Arroyo na pagpasok ng October 28 hanggang 29, gugulong na ang Oplan Kaluluwa, at itataas na rin sa code blue alert ang hanay ng BFP.
Ia-akyat aniya sa code red o full alert status ang kanilang hanay, pagsapit ng October 30 hanggang November 3, upang masiguro ang 24/7 na kahandaan ng mga bumbero sa buong bansa.
“Kaya sa ilalim ng programang ito ay ganoon din ‘no, itinaas na ng BFP ang alert status nationwide upang matiyak ang mabilis na pagresponde sa anumang sakuna nga or sunog na puwedeng mangyari habang dinadagsa naman ng mga tao ang mga sementeryo, halimbawa.” —Arroyo.
Bilang bahagi ng paghahanda, ininspeksyon ng BFP ang ilang lugar kung saan magtitipon ang publiko, tulad ng mall, coliseum, at terminal.
Partikular nilang sinuri ang pagiging ligtas ng mga pasilidad at pagkakaroon ng malinaw na signages. Halimbawa ang exit sign, emergency light, at maximum capacity.
Kaugnay nito hiniling ng tanggapan ang partisipasyon ng mga komunidad, para sa kabuuang emergency preparedness sa Undas.
“At iyong mga tao rin mismo, iyong nasabi nating active participation of the community, iyong emergency preparedness ng mga trained staff na marunong mag-evacuate ng mga tao at gumamit ng halimbawa fire extinguisher at iba pang mga fire protection equipment.” —Arroyo. | ulat ni Racquel Bayan