Kinuwestiyon ni 1-Rider Party-list Representative Rodge Gutierrez ang transaksiyon sa limang milyong pisong bayad sa chartered aircraft na umano’y ginamit sa tangkang pagpapasok ng mahigit kalahating toneladang shabu mula Laos sa Pilipinas.
Sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs, sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Director General Isagani Nerez na unang iniabot nang cash kay Police Executive Master Sergeant Aileen Jayne Manalo Mendoza ang pera, na nakalagay umano sa isang duffel bag.
Ayon kay Nerez, cash ang ginamit sa transaksiyon bago ito ideposito sa account ng ALS Aviation, ang kumpanyang nag-ayos ng charter flight.
Pinaiimbestigahan naman ni Gutierrez sa Anti-Money Laundering Council o AMLC kung bakit hindi agad na-flag ang naturang transaksiyon nang pumasok na ang pera sa account ng isang lehitimong negosyo.
Kinumpirma naman ni AMLC representative Atty. Eranio Dumale na sinimulan na nila ang koordinasyon sa PDEA at ibabahagi ang impormasyon alinsunod sa kanilang mga patakaran.
Pagtiyak ng PDEA, nagpapatuloy ang financial at criminal investigations kaugnay ng tangkang pagpapasok ng shabu mula Laos, habang kabilang sa mga dokumentong kailangan pang makuha ang mga rekord ng pagbabayad sa chartered aircraft. | ulat ni Kathleen Forbes