Pinalalakas ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA ang integridad at kredibilidad ng pagsusuri sa kakayahan ng mga manggagawa sa bansa.
Ito ay kasunod ng pagsasagawa ng kauna-unahang National TVET Assessors Convention, na dinaluhan ng mga accredited competency assessor, assessment center manager, at iba pang stakeholders sa Technical-Vocational Education and Training o TVET mula sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas.
Layunin ng pagtitipon na higit pang mapahusay ang kaalaman at kakayahan ng mga assessor, gayundin ang pagtitiyak na patas, pare-pareho, at dekalidad ang proseso ng skills assessment.
Sa kanyang keynote message, binigyang-diin ni TESDA Secretary Kiko Benitez ang mahalagang papel ng mga competency assessor sa pagtiyak na ang bawat National Certificate o NC na ipinagkakaloob ay sumasalamin sa tunay na kakayahan at kasanayan ng isang indibidwal, alinsunod sa mga pamantayan ng industriya.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, layunin ng TESDA na matiyak na ang bawat sertipikasyong ipinagkakaloob ay tunay na patunay ng kakayahan at kahandaan ng mga Pilipinong manggagawa para sa mundo ng trabaho. | ulat ni Aj Ignacio