Walang-humpay ang isinasagawang pagtutok ng Office of Civil Defense (OCD) Region 1 sa inaasahang epekto ng bagyong Rosal sa Ilocos Region.
Sa panayam ng programang Boses kay OCD 1 Regional Director Laurence Mina, sinabi niyang maayos na naisagawa ang pre-disaster risk assessment sa mga lugar na labis na maaapektuhan ng bagyong Rosal.
Naisagawa rin ang scenario building na lalong nagpataas ng kanilang lebel ng paghahanda laban sa bagyo.
Itinaas na rin ng OCD Region 1 gayundin ang mga miyembro ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council o RDRRMC ang Blue alert status.
Nakahanda na rin ang lahat ng equipment at mobile assets ng OCD at RDRRMC upang agad na matugunan ang mga posibleng mapinsala ng Bagyong Rosal.
Nagpaalala rin ang OCD sa mga residente na palaging makinig at tumutok sa abiso ng pamahalaan lalo na kung kinakailangan na ang pre-emptive evacuation sa mga lugar na babahain at landslide-prone areas.