Aminado ang Department of Justice (DOJ) na hindi pa ganap na natitigil ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa bansa, kasunod ng mga naiulat na insidente ng scam hubs nitong mga nakaraang linggo.
Gayunman, sinabi ni DOJ Usec. Nicholas Ty na mas maliliit na operasyon na lamang ang mga ito kumpara sa malalaking POGO hubs na nabuwag noong mga nakaraang taon.
Kabilang dito ang mga compound na ni-raid ng mga awtoridad sa Bamban, Tarlac; Porac, Pampanga; at Pasay City.
Ayon kay Ty, patuloy silang nakikipagtulungan sa iba pang mga awtoridad upang sugpuin ang mga operasyon ng POGO na ginagamit sa scam activities at human trafficking.
Pinalalakas din ng DOJ ang koordinasyon sa mga katapat na ahensya sa ibang bansa dahil hindi aniya kayang lutasin ng iisang bansa lamang ang problemang ito.
Paliwanag ni Ty, karamihan sa mga dayuhang sangkot ay mga biktima rin ng human trafficking. May mga Pilipino rin namang napipilitang magtrabaho sa mga scam hub sa iba pang bansa sa Asya at nagiging biktima rin ng human trafficking. | ulat ni DK Zarate