Humingi si Senate Committee on Finance Chairman Senador JV Ejercito ng malinaw at patas na pamantayan sa pamamahagi ng Local Government Support Fund (LGSF), kabilang ang Financial Assistance to Local Government Units (FALGU) para maiwasang magamit ito bilang bagong pork barrel.
Sa budget hearing ng panukalang 2027 budget ng Department of Budget and Management (DBM), tinanong ni Ejercito ang ahensya kung anong mga batayan ang ginagamit sa pagtukoy kung aling mga lokal na pamahalaan ang makatatanggap ng mas malaking pondo.
Tugon ng DBM, kabilang sa mga isinasaalang-alang ang maayos na pamamahala sa pananalapi, pagsunod sa mga kinakailangang ulat at aktuwal na accomplishment ng mga LGU sa paggamit ng pondo.
Maaari ring subaybayan ng publiko ang mga proyekto sa pamamagitan ng SubayBAYAN portal.
Samantala, ikinabahala ni Ejercito ang tinatayang 130-billion-peso na pagbawas sa panukalang national budget sa bersyon ng Kamara, lalo na ang posibleng epekto nito sa mga pangunahing proyektong pang-imprastraktura at foreign-assisted projects.
Binigyang-diin ng senador ang pangangailangang matiyak ang sapat na pondo para sa North-South Commuter Railway at Metro Manila Subway System, kabilang ang pambayad sa loan proceeds at counterpart funding ng pamahalaan.
Sinabi ni Ejercito na makikipagpulong siya sa mga kalihim ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Public Works and Highways (DPWH ) para matukoy ang minimum na pondong kailangan para maipagpatuloy ang mga prayoridad na proyekto. | ulat ni Nimfa Asuncion