Nanawagan si Senate Committee on Agriculture Chairman Senador Kiko Pangilinan sa Department of Agriculture (DA) na linawin ang coordinates ng F to Market R (FMR) projects na nakitaan ng kaduda-dudang mga lokasyon.
Sa budget hearing ng DA, iniulat ni People’s Budget Coalition co-convenor Ken Abante na may 23-million-peso na halaga ng FMR project na nakatala sa Nueva Ecija pero ang coordinates ay nakita sa Benham Rise.
Mayroon ding 30-million-peso na proyekto na ang coordinates ay nasa Celebes Sea, malapit sa Indonesia, sa halip na sa Cebu.
Samantala, ang coordinates ng isa pang proyektong nagkakahalaga ng 55 million pesos ay nakita naman malapit sa Brunei.
Giit ni Pangilinan, kailangang malaman kung nagkamali lang sa pagtatala ng coordinates, kung nagkaroon ng pagkukulang sa validation o may iba pang iregularidad sa mga proyekto.
Kaya naman hiniling ng senador ang pagsusuring maigi sa mga record, kontrata, plano, inspection report at aktwal na lokasyon ng mga apektadong proyekto.
Iminungkahi rin niyang palakasin ang DA’s FMR Watch transparency portal, tiyaking tama at napapanahon ang mga datos at gumamit ng mas eksaktong geotagging at land-surveying technology gaya ng Real-Time Kinematic (RTK).
Giit ni Pangilinan, hindi sapat na nakapaskil sa transparency portal ang mga detalye ng proyekto kung mali naman ang impormasyon.
Dapat aniyang matiyak na ang bawat pisong inilaan sa mga farm-to-market road ay nagagamit sa mga proyektong tunay na makatutulong sa mga magsasaka at mangingisda. | ulat ni Nimfa Asuncion