Welcome ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang magandang assesment ng Japan Credit Rating Agency (JCR) sa external position ng Pilipinas.
Sa pinakabagong ulat ng JCR, binigyang-diin ng credit rating agency ang katatagan ng bansa laban sa mga panlabas na shocks, na sinusuportahan ng foreign exchange reserves.
Inihayag din nito na nananatiling maganda ang liquidity position ng bansa sa foreign currency sa kabila ng tumataas na global uncertainties gaya ng pagbabago sa patakaran sa taripa ng Estados Unidos.
Inilahad din ng JCR na ang patuloy na pagpasok ng remittances at matatag na kita mula sa sektor ng Business Process Outsourcing (BPO) ay patuloy na sumusuporta sa current account ng bansa.
Ayon kay BSP Governor Eli M. Remolona, Jr., ang pagkilala ng JCR sa matatag na external buffers ng bansa ay nagpapakita ng tiwala sa kakayahan ng ekonomiya ng Pilipinas na harapin ang mga pandaigdigang pagsubok, kabilang ang mga dulot ng tensyon sa Middle East.
Tiniyak ni BSP Chief na patuloy na pamamahalaan ng BSP nang may pag-iingat ang foreign exchange reserves ng bansa upang tumulong sa pagpapanatili ng katatagan ng ekonomiya.
Mula noong huling bahagi ng Setyembre 2026, umabot sa US$99.5 bilyon ang foreign exchange reserves ng Pilipinas. | ulat ni Melany Reyes