Hinimok ng isang mambabatas ang mga local government unit o LGU na makipagtulungan sa mga state university and college o SUC para sa lokal na produksyon ng mga electric vehicle o EV na gagamitin sa pampublikong transportasyon.
Ayon Abra lone district Representative JB Bernos , makatutulong ang paglipat sa mga electric vehicle upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa langis at maprotektahan ang sektor ng transportasyon laban sa pabago-bagong presyo ng krudo.
Naniniwala ang mambabatas na kayang gumawa ng mga state university and college ng mga de-kalidad na electric vehicle na maibebenta sa merkado, basta’t mabigyan ang mga ito ng pagkakataon sa tulong ng mga LGU.
Sa ilalim ng Republic Act 11697 o Electric Vehicles Industry Development Act, inaatasan ang mga LGU na ilipat sa electric vehicle ang hindi bababa sa limang porsiyento ng kanilang opisyal na sasakyan.
Kabilang din sa mga obligasyon ng LGU ang pagtatayo ng mga nakalaang EV lane at pagpapabilis ng proseso ng permit para sa mga charging station.
Dagdag ni Bernos, ang pakikipagtulungan sa mga lokal na taga-disenyo at prodyuser ng EV ay makalilikha ng trabaho at magpapasigla sa lokal na ekonomiya, bukod pa sa pagbabawas ng gastos sa gasolina at polusyon sa hangin. | ulat ni Kathleen Forbes