Nanawagan si Senador Joel Villanueva sa Department of Agriculture (DA) at National Meat Inspection Service (NMIS) na paigtingin ang inspeksyon sa karne at tulungan ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng food safety standards.
Kasunod ito ng pagkumpiska sa tinatayang 3 metroc tons ng karne na nagkakahalaga ng 634,000 pesos sa Malolos Public Market sa Bulacan noong October 16, na umano dumaan sa tamang inspeksyon at hindi wasto ang naging paghawak.
Nitong Setyembre naman, nasabat din sa Santa Maria, Bulacan ang tinatayang 10 hanggang 15 metroc tons ng frozen chicken na nagkakahalaga ng 7 million pesos, sa gitna ng alegasyong ibinebenta ang mga nakumpiskang imported meat na nakatakda sanang sirain.
Ayon kay Villanueva, hindi sapat ang pagkumpiska lang sa mga palengke at kailangang matukoy kung saan nagmula ang karne, paano ito nakalusot sa inspeksyon at paano mapipigilan ang pag-uulit ng mga paglabag.
Hinikayat rin ng senador ang NMIS at mga lokal na pamahalaan na magtulungan sa pagbibigay ng sapat na kagamitan, pagsasanay sa mga tauhan, sistema ng pagsubaybay sa pinagmulan ng karne at pasilidad para sa tamang pagsira sa mga nakumpiskang produkto para hindi na maibalik sa merkado.
Ipinanawagan din ng mambabatas ang coordinated surprise inspection ng NMIS, mga lokal na veterinary office, market administrator at law enforcement authorities para masuri ang pinagmulan, mga dokumento at kondisyon ng transportasyon ng karne.
Giit ni Villanueva, dapat managot ang mga lumalabag sa mga pamantayan sa kaligtasan ng pagkain, lalo na ang mga paulit-ulit na nagkakasala sa kabila ng mga naunang babala. | ulat ni Nimfa Asuncion