Mabilis na inaprubahan ng Senate Finance Committee ang panukalang ₱7.7 billion budget ng Senado para sa susunod na taon (2027).
Sa budget hearing, sinabi ni Senate Secretary Atty. Renato Bantug na tinatanggap ng Senado ang pondong inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).
Gayunman, maaari pa aniyang bawasan ng hanggang dalawang bilyong piso ang alokasyon kung kinakailangan.
Ang panukalang 2026 budget ng mataas na kapulungan ay mas mababa ng sampung porsiyento kumpara sa ₱8.6 billion na pondo ng kapulungan ngayong 2026.
Ayon kay Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito, isa ang Senado sa iilang ahensiya ng gobyerno na may mas mababang budget sa susunod na taon dahil sa limitadong pondo ng pamahalaan.
Inaprubahan din ng komite ang panukalang budget ng Senate Electoral Tribunal (SET) at Commission on Appointments (CA).
Sa ilalim ng NEP, may nakalaang ₱328.9 million ang SET pero humiling ito ng dagdag na ₱93.5 million para sa agarang pagkukumpuni ng pasilidad, information technology upgrades, pagsasanay ng mga empleyado at health insurance.
Samantala, humiling naman ang CA ng dagdag na ₱595 million bukod sa ₱1.13-billion na alokasyon nito sa 2027 NEP.