Pinalagan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang mga puna ni dating National Security Adviser Clarita Carlos laban sa kanya at kay Philippine Coast Guard Spokesperson Jay Tarriela kaugnay ng kanilang mga pahayag laban sa China.
Ayon kay Teodoro, walang puwang ang ganitong mga pahayag kapag pambansang interes, soberanya, at teritoryo ng bansa ang nakataya.
Tugon ito ni Teodoro matapos umanong sabihan ni Carlos si Tarriela na tumahimik ito at takpan ang bigbig gamit ang duct tape.
Sa panayam ng defense reporters, sinabi ng kalihim na ayaw na sana niyang patulan ang propesor, na aniya’y out of the loop sa usapin.
Sinang-ayunan din niya ang pagkuwestyon ni Tarriela kung bakit hindi pinupuna ni Carlos ang mga paglabag ng China.
Si Carlos ang unang National Security Adviser ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pero agad siyang napalitan ni dating AFP Chief Eduardo Año noong 2023.
Sa panahon din ni Año nagsimula ang transparency initiative na naglalantad sa mga aktibidad ng China sa West Philippine Sea. | ulat ni Diane Lear