Nakatakdang maglabas ng mga panuntunan ang Department of Education (DepEd) na nag-aatas sa lahat ng paaralan sa bansa na paghandaan ang epektong dulot ng El Niño sa nagpapatuloy na School Year 2026 – 2027.
Ito’y bilang tugon na rin sa abiso ng DOST-PAGASA hinggil sa pag-iral ng malakas hanggang sa napakalakas na El Niño ngayong huling bahagi ng 2026 at inaasahang tatagal hanggang sa kalagitnaan ng 2027.
Nakasaad sa naturang panuntunan ang mga hakbang upang protektahan ang mga mag-aaral mula sa matinding init at kakulangan sa tubig, kasabay na rin ng pagtitiyak na magpapatuloy ang klase gayundin ang iba pang serbisyo gaya ng school-feeding.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ipatutupad ng mga paaralan at Community Learning Center ang 4H Framework o Hayo, Hinay, Hinga, at Hinto salig sa DepEd Order 014 series of 2026 para i-angkop ang mga hakbang sa umiiral na krisis sa klima.
Samantala, sinabi ni Angara na inaatasan din ng kagawaran ang mga paaralan na magsagawa ng integrated school-level risk assessment para tiyakin ang maaasahang suplay ng tubig, bentilasyon ng mga silid-aralan, matatag na suplay ng kuryente, at pag-iwas sa sunog.