Hinamon ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na aksyunan ang manipulasyon sa presyo ng baboy, pagpupuslit ng karne at labis na importasyon na nagpapahirap sa mga lokal na magbababoy.
Sa pagdinig sa panukalang 2027 budget ng Department of Agriculture (DA), iginiit ni Zubiri na habang lugi ang mga backyard hog raiser dahil sa mababang farmgate prices, nananatili namang mataas ang presyo ng baboy sa mga palengke.
Binigyang-diin ni Zubiri na nasa 80 percent ng mga producer ng baboy sa bansa ay mga backyard farmer na walang sapat na kakayahang saluhin ang patuloy na pagkalugi.
Dahil dito, hinimok niya ang DA na magsagawa ng regular na inspeksyon sa mga palengke at mahigpit na ipatupad ang mga patakaran laban sa mapagsamantalang pagpepresyo.
Nagpasalamat din ang senador kay Laurel matapos nitong ihayag ang planong pansamantalang suspindihin sa loob ng 60 days ang pag-angkat ng ilang pork cuts, kabilang ang kasim, pigue at belly, o ihinto ang pag-isyu ng bagong Sanitary and Phytosanitary Import Clearances.
Ayon kay Zubiri, kailangang makita ng publiko ang mas konkretong aksiyon ng pamahalaan para matulungan ang mga lokal na magbababoy at matugunan ang agwat sa presyo sa farmgate at palengke. | ulat ni Nimfa Asuncion