Sampung employer sa Taguig City ang sasailalim sa pagpapatupad ng batas ng Social Security System (SSS) dahil sa hindi pagbabayad o pagre-remit ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado.
Bilang bahagi ng Run After Contribution Evaders (RACE) campaign, mag-iisyu ngayong araw ng notice of violation ang SSS Taguig Branch sa mga delinkwenteng employer sa mga lugar ng Bambang, Ususan, Tuktukan, at Bonifacio Global City sa Taguig.
Umaabot sa ₱3.9 milyon ang kabuuang pagkakautang ng 10 employer.
Kabilang dito ang humigit-kumulang ₱2.8 milyon na hindi na-remit na kontribusyon at mahigit ₱1.1 milyon na multa. Dahil dito, apektado ang buwanang kontribusyon ng 160 empleyado.
Kabilang sa mga negosyong sangkot ang apat na restaurant, isang laboratoryo, convenience store, barber shop, pagawaan ng noodles, panaderya, at retail store.
Sa 10 employer, walong negosyo ang hindi nag-remit ng buwanang kontribusyon ng kanilang mga empleyado, habang dalawa naman ang hindi nagparehistro sa SSS.
Sa kabuuan, humigit-kumulang ₱162 milyon ang hindi na-remit na kontribusyon, habang nasa ₱120 milyon naman ang mga multa. Apektado ng mga ito ang kontribusyon ng 4,504 na empleyado.
Sa pamamagitan ng RACE campaign, layunin ng SSS na panagutin ang mga employer na hindi tumutupad sa kanilang mga obligasyon at matiyak na napangangalagaan ang mga benepisyo at karapatan sa social security ng mga manggagawa. | ulat ni Aj Ignacio