Nananatiling manipis ang suplay ng kuryente sa Visayas Grid, dahilan upang isailalim ito sa Red at Yellow alert, ngayong araw.
Sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), iiral ang Red alert mula ala-5 ng hapon hanggang ala-6 ng gabi mamaya.
Habang epektibo naman ang Yellow alert mula alas-3 hanggang ala-5 ng hapon at muling masusundan dakong ala-6 hanggang alas-8 ng gabi.
Nabatid na mas mataas ang peak demand sa kuryente sa 2,545 megawatts kumpara sa available capacity sa grid na nasa 2,468 megawatts.
Nasa limang planta ang nananatiling bagsak habang mayroong 22 planta ang bagaman gumagana subalit nananatiling nasa derated capacity o kapos sa ibinibigay na kuryente.
Itinataas ang Red at Yellow alert kapag hindi naaabot ang demand ng mga konsyumer gayundin ang regulating requirement sa grid.