Isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office Caraga, katuwang ang National Council on Disability Affairs (NCDA), ang Island CAREvan o Children’s Assessment, Rehabilitation, and Empowerment Caravan sa Provincial Guest Center, Brgy. Quarinta, Province of Dinagat Islands, ngayong araw, October 24, 2026, upang suriin ang developmental needs ng mga batang may edad 0 hanggang 5.
Sa kabuoang 100, kahapon ay sumailalim na ang 51 batang benepisyaryo sa multidisciplinary assessment ng mga clinical psychologist, psychiatrist, at iba’t-ibang therapist upang matukoy ang kanilang pangangailangan at angkop na interbensyon.
Kabilang sa mga interbensyon ang counseling para sa mga magulang o caregiver, individualized CARE Plans, at referral para sa physical, occupational, at speech therapy.
Ayon kay NCDA Executive Director Glenda D. Relova, sasagutin ng NCDA ang limang buwang therapy sessions, habang anim na buwan naman ang sasagutin ng pamahalaang panlalawigan, o kabuuang 11 buwang suporta.
Makakatanggap din ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng tig-₱3,000 cash relief assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program para sa kanilang pangangailangan sa loob ng tatlong buwan.

