Tumaas ng 172% sa unang siyam na buwan ng 2026 ang socialized housing financing matapos ipatupad ang 3% subsidized homeloan rate sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ayon sa Pag-IBIG Fund.
Sa ulat na inilabas ng Pag-IBIG Fund nitong Biyernes, tumaas ng 173% ang bilang ng mga napondohang socialized housing para sa mga minimum wage earner at manggagawang may mababang kita kumpara sa kaparehong panahon noong 2025.
Umabot sa 10,904 socialized housing unit ang napondohan, mas mataas kaysa sa 3,987 unit noong nakaraang taon.
Tumaas din nang 172% ang halaga ng financing para sa socialized housing, mula ₱4.45 bilyon ay naging ₱12.10 bilyon. Dahil dito, umabot sa halos 16% ang bahagi nito sa kabuuang mga bahay na napondohan ng Pag-IBIG Fund, kumpara sa 7% lamang sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Paliwanag ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, nagbubunga na ang direktiba ni Pang. Ferdinand R. Marcos, Jr. na gawing abot-kaya at accessible ang disenteng pabahay.
Sa ilalim ng Expanded 4PH, nag-aalok ang Pag-IBIG Fund ng pinakamababang 3% subsidized housing loan rate para sa mga kwalipikadong miyembrong bibili ng socialized housing unit, at kasama diyan ang mga condominium at subdivision development.
Ito ang isa sa mga unang pagbabagong ipinatupad ni Secretary Aliling sa orihinal na 4PH Program nang maupo siya sa puwesto noong nakaraang taon.
Pinalawak din ng kalihim ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang orihinal na 4PH Program na dating nakatuon lamang sa vertical housing upang maisama ang iba pang opsyon, gaya ng mga house-and-lot package, lots only, paupahang pabahay, Enhanced Community Mortgage Program, at iba pang pamamaraang nakasentro sa pangangailangan ng mga mamamayan.
Samantala, nag-alok din ang Pag-IBIG Fund ng mga promotional interest rate na 4.5% para sa home loans na hanggang ₱4.9 milyon at 5.75% para sa loan na hanggang ₱10 milyon, alinsunod sa umiiral na mga patakaran at regulasyon.
“The nearly threefold increase in socialized housing loans shows that Expanded 4PH is making a real difference for those who need affordable housing the most, while helping more hardworking Filipino families find homes suited to their needs and budgets,” paliwanag ni Aliling.
Mula Enero hanggang Setyembre, iniulat ng Pag-IBIG Fund na nakapagpondo ito ng 68,514 tahanan na nagkakahalaga ng ₱111.29 bilyon, mula sa 59,789 tahanan na nagkakahalaga ng ₱93.03 bilyon sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang mga ito ay katumbas ng 15% pagtaas sa bilang ng mga napondohang tahanan at 20% pagtaas sa inilabas na housing loan.